Brazil gang leader na nagpanggap na babae para makatakas sa bilangguan, nagpakamatay

Natagpuang patay sa loob ng selda ang Brazilian gang leader na naging ulo ng mga balita matapos ang tangkang pagtakas sa kulungan sa pamamagitan ng paggaya sa pananamit ng kanyang anak na babae.

Ayon sa awtoridad ng bilangguan sa Rio de Janeiro, lumalabas ng nagbigti gamit ang kumot ang gang leader na si Clauvino da Silva, 42, nitong Martes, sa loob ng kanyang selda na may mahigpit na seguridad.

Nahuli si da Silva nitong nakaraang linggo na sumubok lumabas sa prisinto suot-suot ang pambabaeng maskara gawa sa silicon, mahabang wig, salamin, fitted na pantalon at pink na T-shirt; ginagaya ang bihis ng kanyang 19-anyos na anak na bumisita sa kanya noong araw ng insidente.


Nagawa raw umabot ng gang leader sa exit door ng bilangguan, ngunit napansin ng mga guwardiya ang kabadong pagkilos nito, dahilan para sitahin at siyasatin ang lalaki.

Inaresto naman ang kanyang anak na babae at sasampahan ng kasong may kinalaman sa pagiging kasabwat sa pagtakas ng preso.

Si Da Silva na kilala rin sa alyas na “Baixinho” (pandak sa Portuguese), ay parte ng lidirato ng isa sa pinakamakapangyarihang grupong kriminal sa Brazil.

Nasentensiyahan siya ng 73-taong pagkakakulong sa salang drug trafficking.

Dati na ring napabalitang tumakas sa bilangguan si Da Silva na dumaan umano sa imburnal noong 2013.

Facebook Comments