Breach sa Smartmatic System, isa sa pangunahing tatalakayin sa Comelec en banc sa Miyerkules

Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) sa Kamara na isa sa pangunahing tatalakayin sa COMELEC en banc sa Miyerkules ang umano’y breach sa Smartmatic System.

Kaugnay ito sa naunang isiniwalat sa isang executive session sa Senado ni Senator Imee Marcos, na nagkaroon ng “serious breech” sa sistema at operasyon ang Smartmatic.

Sa pagdinig ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na sa ngayon ay hinihintay nila ang findings ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa security breach sa Smartmatic.


Ang official findings ng National Bureau of Investigation (NBI) ang magiging batayan ng kanilang magiging aksyon kaugnay sa isyu.

Kasama rin sa pag-uusapan sa en banc ang mga concerns ng mga kongresista partikular sa problema sa pag-imprenta ng mga balota.

Nagpaliwanag din ang Commissioner sa hindi pagpapatawag ng observers nang simulan ang printing ng mga balota.

Aniya, bukod sa Alert Level 3 ay nasa strategic location din ang kwarto sana ng mga observers kung saan kapag isa sa mga ito ay nakapanghawa ng sakit ay mapipilitang isara ang buong National Printing Office (NPO) na makakaapekto naman sa pag-iimprenta ng balota.

Target ng komisyon na matapos ang pag-imprenta ng lahat ng balota sa ikalawang linggo ng Abril.

Facebook Comments