Nilinaw ng pamunuan ng Dipalo Eco Park sa San Quintin ang breakdown ng ₱800 na bayad sa guided tour matapos punahin ng isang bisita online.
Sa feedback, inihayag ng hiker na tila sobra umanong singil ang ₱800 lalo kung walang kasamang joiner.
Nabanggit din ang kakulangan ng pasilidad sa pasyalan tulad ng palikuran at maayos na cottage.
Ayon sa pamunuan, ₱200 nito ay depositong maibabalik sa mga joiners kung walang nalabag na patakaran, partikular sa kalinisan ng lugar.
Ang iba pang bahagi ng bayad ay nakalaan para sa tour guide, na may responsibilidad sa kaligtasan ng mga hikers at pagpapanatili ng kaayusan, kabilang ang paggamit ng radio communication equipment at first aid kit.
Ipinabatid ng pamunuan na ang layunin ng tour fee ay pairalin ang responsableng pagbisita sa eco park habang pinapaunlad ang pasilidad at serbisyo.
Binuksan ngayong Disyembre ang Hiking and Guided Tour pati na ang overnight camping sa Dipalo Eco Park matapos ang paglilinis sa Nabiag Falls, tatlong daang metro mula sa ilog.






