Bilang bahagi ng paggunita sa Breast Cancer Awareness Month ngayong Oktubre, nakiisa ang ilang medical practitioners at mga opisyal ng lalawigan sa isinagawang Pink Lighting Ceremony sa paligid ng Kapitolyo ng Pangasinan kahapon.
Layunin ng aktibidad na ito na palakasin ang kamalayan ng publiko hinggil sa breast cancer, kilalanin ang mga cancer survivors, at hikayatin ang maagang pagpapasuri upang maiwasan ang malubhang komplikasyon.
Batay sa datos, nananatiling pinakakaraniwang uri ng kanser ang breast cancer, kung saan tinatayang 65 porsyento ng mga kaso ay natutukoy na lamang sa huling yugto ng sakit.
Sa Pangasinan, patuloy ang inisyatiba ng pamahalaan at pribadong sektor tulad ng libreng breast ultrasound at subsidized mammogram, na layong makatulong sa maagang pagtukoy at agarang paggamot ng breast cancer. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









