Brgy. Dela Paz, idineklarang localized ECQ

Nagdeklara na ang Pasig City Government ng Localized Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Ventura Compound F. Mariano Street, Barangay Dela Paz, Pasig City.

Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, ang naturang desisyon ay dahil na rin sa mataas na bilang ng mga positibong kaso ng COVID-19 kasama na rito ang suspected at probable cases sa mga compound.

Paliwanag ng alkalde, papayagan naman ang mga residente na makalabas ang mga nagtatrabaho at may emergency cases.


Dagdag pa ni Sotto, magpapadala naman ng food packs ang Pasig City Government sa maapektuhan ng lockdown.

Base sa datos ng pamahalaang lokal ng Pasig, ang Barangay Dela Paz ay may 25 kumpirmadong positibong COVID-19 kaso, pito ang nakarekober, dalawa ang nasawi at 16 ang aktibong kaso.

Nauna rito noong Linggo, nasimulang ilagay sa Localized ECQ ang ilang kalye sa Barangay Manggahan, Pasig City kabilang na sa Pipino, Labanos, Okra Ubas at Barangay Napico.

Facebook Comments