*Cauayan City, Isabela- *Naghahanda na ngayon ang ilang opisyal ng barangay gaya sa Minante Uno sa Lungsod ng Cauayan para sumailalim sa ilang pagsasanay pagdating sa sakuna gaya ng papalapit na ‘Bagyong Ramon’ na inaasahang mananalasa sa Aurora-Isabela area sa darating na Sabado (Nov. 16, 2019).
Una rito, tinalakay noong nakaraang linggo sa isinagawang General Assembly ng Brgy. Minante Uno ang pagtaas ng bilang ng mga kabataang maagang nabubuntis at maging sa isyu ng African Swine Fever na Malaki ang epekto sa industriya ng pagbababoy.
Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Kagawad Sherwin Cortes, Committee Chairman ng Disaster Risk Reduction ng nasabing barangay, ilang bahagi ng kanilang barangay ay nalulubog din sa baha gaya ng Zone 4, Research kaya mahigpit nila itong babantayan bago pa man manalasa ang ‘Bagyong Ramon’.
Ayon pa kay Kagawad Cortes, hall of famer na ang kanilang barangay pagdating sa disaster preparedness na inoorganisa ng Lokal na Pamahalaan ng Cauayan taun-taon.
Samantala, mahigpit naman na ipinapatupad ng mga opisyal ang ilang ordinansa na babalikat sa mga residente gaya ng peace and order sa kanilang lugar.