Bridging Program at iba pang mga kahinaan sa ilalim ng blended learning, ipinasasaayos sa DepEd bago magsagawa ng face-to-face classes

Pinaghahanda ni House Committee on Basic Education and Culture Chairman Roman Romulo ang Department of Education (DepEd) na pagbutihin ang bridging programs sa oras na magbalik na ang face-to-face classes.

Ito ay para mapadali ang mga mag-aaral sa pagpili ng kurso sa kolehiyo na aligned o akma sa kanilang senior high school kapag nagbalik na ulit ang mga klase.

Bukod sa pagsasaayos ng bridging programs, pinatutukoy rin ni Romulo sa DepEd ang mga kahinaan at kalakasan ng pagkatuto ng mga estudyante sa ilalim ng blended learning upang matugunan ito sa oras na pisikal nang papasok sa mga paaralan ang mga mag-aaral.


Nanindigan naman si Romulo na hangga’t wala pang COVID-19 vaccine rollout, hindi pa dapat magsagawa ng pilot testing para sa “face-to-face classes” sa Metro Manila at sa mga urban centers.

Giit ni Romulo, hindi naman kasi akma sa bansa natin ang mga pag-aaral na ginawa para sa “face-to-face classes” lalo pa’t ang mga paaralan ay nakatayo sa mga densely-populated areas o mga lugar na may malalaking populasyon.

Binigyang-diin ng kongresista na hindi talaga maaaring isagawa ang “face-to-face classes” kahit pilot lang ito dahil mas mahalaga na mapangalagaan ang buhay ng tao lalo na ng mga estudyante.

Facebook Comments