BRIGADA 2018 | KBP Pangasinan Muling Nakilahok sa Taunang Brigada Eskwela

Sa malakas na tunog ng mga awiting pangsayaw nito lamang alas otso ng umaga ay nagsimula ang pangalawa sa huling araw ng Brigada Eskwela 2018 ng Department of Education (DepEd) sa Judge Jose De Venecia Sr. Memorial National High School (JJDVSMNHS) na nagsimula noong Mayo 28, 2018, at may temang, “Pagkakaisa para sa Handa, Ligtas at Matatag na Paaralan Tungo sa Magandang Kinabukasan.”
Nilahukan ito ng mga miyembrong istasyon ng radyo kabilang na ang 104.7 iFM Dagupan, sa pangunguna ng KBP Chairman at Station Manager ng iFM na si Mr. Mark Gemson G. Espinosa. Matapos ma-iturn over ang mga gamit panglinis at mga pintura sa mga heads ng paaralan ay sama-samang nilinisan at pininturahan ng mga KBP members ang mga klasrum ng mga mag-aaral.
Samantala, dinagsa rin ang naturang paaralan ng mga estudyanteng hindi pa nakakapagparehistro at nakakapagpa-enrol sa taong pampanuruang 2018-2019. Ayon kay Sir Freddie R. Manaois, guro sa JJDVSMNHS, ay nasa 692 na ang nakapagpalista sa Junior High School, habang sa Senior High School naman ay nasa 50 pa lamang simula noong unang araw ng enrolment.
Dagdag ni Manaois, nasa 40% na lang ang bilang ng mga estudyanteng hindi pa nakakapagpaenrol sa kanilang paaralan. Aniya, umaabot sa 1,500 na estudyante ng Junior at Senior High School ang nakakapaglista taun-taon.
Mensahe naman niya sa mga mag-aaral na magtungo na sa paaralan upang magpa-enrol at humabol sa huling araw ng Brigada Eskwela nang hindi na maabala sa darating na pasukan sa Lunes, Hunyo 4, 2018.
Nagtapos ang Brigada Eskwela sa pagpapakuha ng litrato ng mga opisyal at kabahagi ng KBP kasama ang teaching force ng JJDVSMNHS at mga magulang na nakiisa at tumulong sa nasabing aktibidad.
Ulat nina Jhon Michael Caranto at Melody Dawn Valenton

Facebook Comments