Broker na si Mark Taguba, nag-sorry kina Vice Mayor Paolo Duterte at Atty. Manse Carpio; pagdawit niya sa mga ito sa shabu shipment mula sa China, fake news daw

Manila, Philippines – Nag-sorry ang customs broker na si Mark Taguba kina Vice-Mayor Paolo Duterte at Atty. Manse Carpio na asawa ni Mayor Sarah Duterte.

Paglilinaw ni Taguba, hearsay at fake news ang pagdadawit kina Pulong at Atty. Manse sa Davao Group na umano’y nagmaniobra ng paglusot sa Bureau of Customs ng shabu galing sa China, gayundin sa tara system sa ahensya.

Diin ni Taguba, malinaw sa kanyang testimonya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee na kahit minsan ay hindi niya nakausap o nakita man lang sina Pulong at Atty. Mans.


Ayon kay Taguba, malinaw ang kanyang pahayag na tanging nagngangalang tita Nanie at isang Jack lang ang kanyang nakausap na bumanggit tungkol sa Davao Group.

Kasabay nito ay iginiit ni Taguba na hindi sa kanyang container vans na inasikaso ng kanyang kumpanya naka-karga ang 6.4 billion pesos na shabu galing sa China.

Giit ni Taguba, tanging general household items lang ang nasa loob ng kanyang container vans at wala ang limang cylinder na naglalaman ng 604 kilo ng shabu.

Malinaw aniya itong nakasaad sa packing list na sinertipikahang tama ng Xiamen, China sa ilalim ng ASEAN-China Free Trade Agreement.

Facebook Comments