Nangangamba si Pangulong Rodrigo Duterte na ang mga nararanasang power outages sa Luzon ay maaaring makaapekto sa pagtugon ng pamahalaan sa pandemya at sa muling pagbangon ng ekonomiya.
Ito ang pahayag ni Pangulong Duterte kasunod ng abiso ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na posibleng tumaas ang singil ng kuryente kung susundin nila ang ancillary services contracting na ipinapanukala ng Department of Energy (DOE).
Sa kanyang Talk to the Nation Address, sinabi ni Pangulong Duterte na ang mga nararanasang power interruptions ay bunga ng ilang power plants na sumailalim sa maintenance at nag-shut down.
Nakiusap na ang DOE sa NGCP na sumunod sa kanilang obligasyon na magbigay ng sapat na lebel ng ancillary services at power reserves.