Inihahanda na ng Philippine Navy ang pag-convert ng presidential yacht para gawing floating quarantine facility kasunod na rin ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Brigadier General Edgard Arevalo, ang BRP ang Pangulo (ACS-25) ay kayang mag-accommodate ng hanggang 28 suspected COVID-19 patients na may limang medical personnel.
Ayon sa Navy, mahigpit rin na ipapatupad ang 3-meter distance sa mga pasyente, at gagawa ng iba’t-ibang entry points para sa mga ito at medical staff.
Maliban dito, magtatalaga din ng tatlong exclusive compartments para sa mga pasyente na may nakalagay ng temporary division.
Samantala, inirekomenda ng Philippine Red Cross (PRC) sa Department of Health (DOH) na magtalaga ng dialysis centers na tatanggap ng mga pasyenteng positibo sa COVID-19, persons under investigation (PUIs) at monitoring na mayroon ding sakit sa bato.
Paliwanag ni PRC Chairman Richard Gordon, tinatanggihan kasi ng mga dialysis center ang mga COVID-19 patient na nangangailangan din ng dialysis dahil sa takot na makahawa sa ibang pasyente.
Maiiwasan, aniya, ito kung mayroong itatalaga ang DOH na dialysis outlet na maaaring tumanggap ng pasyenteng positibo sa sakit.