BRP Gabriela Silang, parating na sa Catanduanes para maghatid ng relief supplies sa mga biktima ng Bagyong Rolly

Photo Courtesy: Philippine Coast Guard

Mamayang gabi o bukas ng umaga, inaasahang darating na sa Catanduanes ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) para maghatid ng relief supplies para sa mga biktima ng Bagyong ‘Rolly’.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Spokesperson Irene Dumlao, karga ng BRP Gabriela Silang ang karagdagang 3,000 family food packs; 1,000 hygiene kits; 2,000 kitchen kits, sleeping kits, mosquito nets at mga bottled water.

Bukod dito, lilipad din sa probinsya ang C-295 ng Philippine Air Force para maghatid ng dagdag-tulong.


Una nang naipamahagi ng DSWD sa Catanduanes ang inisyal na mahigit 1,300 family food packs.

“Kasalukuyang nagsasagawa ng rapid damage assessment and needs analysis ang field office 5 katuwang ang provincial government ng Catanduanes para nga po ma-determine kung ano pa ‘yong kinakailangang interventions na i-provide sa ating kababayang naapektuhan,” ani Dumlao

Samantala, mahigit P5-milyong halaga na rin ng tulong ang naipahatid ng ahensya sa CALABARZON, MIMAROPA at iba pang rehiyon.

Pagtitiyak ng opisyal, sapat pa ang pondo ng DSWD para ayudahan ang mga biktima ng kalamidad.

“Mahigit P837 million an gating standby funds at stockpiles dito po sa NROC [National Resource Operation Center] at sa mga field offices po natin. So far, sufficient pa naman ‘yong ating pondo. Kung madi-defleat na po [‘yong resources], tayo naman po ay humihingi ng karagdagang pondo sa Department of Budget and Management para naman po ma-reflenish ‘yong ating quick response fund,” ani Dumlao sa interview ng RMN Manila.

Facebook Comments