Sasabak sa unang misyon ang BRP Jose Rizal (FF-150), ito ay ang paglahok sa Rim of the Pacific Naval Exercise o RIMPAC 2020 sa Hawaii.
Ayon kay Philippine Navy Chief Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo, pupunta ng Guam ngayong July 29, 2020 ang BRP Jose Rizal, at dideretso sa Hawaii para sa RIMPAC 2020 na gaganapin mula August 17 hanggang August 31, 2020.
Ngayong araw, July 10, 2020, nai-commission sa aktibong serbisyo ang kauna-unahang missile frigate ng Philippine Navy (PN) sa simpleng seremonya sa Alavar Wharf, Subic Bay, Zambales.
Ayon kay Bacordo, wala pang desisyon kung saan idedeploy ang BRP Jose Rizal pagkatapos ng kaniyang unang misyon.
Ngunit dahil sa itinuturing nila itong “strategic asset”, idedeploy lang ito kung kailan kailangan.
Ang BRP Jose Rizal na ginawa ng Hyundai Heavy Industries ng South Korea ang kauna-unahang multi-mission capable frigate ng PN na may kakayahan sa anti-surface, anti-air, anti-submarine at electronic warfare operations.