Walang dahilan para alisin ng Philippine Coast Guard (PCG) ang kanilang barkong naka-deploy sa Sabina Shoal.
Ito ang paninindigan ng PCG sa kabila ng paggigipit ng China at pangha-harass sa pinakahuling tangkang resupply mission sa BRP Teresa Magbanua kahapon.
Sa pulong balitaan kanina, sinabi ni PCG Spokesperson for West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na ayaw na nating maulit ang nangyari noong 2012 kung saan nagkaroon ng standoff sa Scarborough Shoal pero hindi na nakabalik ang ating mga tropa matapos mag-withdraw.
Ayon pa kay Tarriela, tila kagaya nito ang nangyayari ngayon sa nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal kung saan dati nang hinaharangan ang resupply mission sa mga sundalong naka-deploy roon.
Paglilinaw naman ni Tarriela, magkaiba ang resupply mission sa BRP Teresa Magbanua na isang humanitarian mission habang military operation naman sa BRP Sierra Madre.
Pero halos magkatulad na raw ang nangyayari ngayon lalo’t parehong hinaharang ng mga barko ng China ang paghahatid ng supply sa mga barko ng Pilipinas.