Ibinabala ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Rep. Bernadette Herrera-Dy na posibleng maging paglabag sa charter ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP ang isinusulong na pag-ambag nito sa panukalang Maharlika Wealth Fund (MWF).
Sinabi ito ni Herrera-Dy makaraang tiyakin ni BSP Governor Felipe Medalla na maglalaan ang BSP ng bahagi ng profit nito para sa MWF.
Pinaalala rin ni Herrera-Dy ang naunang pahayag noon ni Medalla na hindi dapat gamitin ng BSP sa pamumuhunan ang foreign reserves nito.
Diin pa ni Herrera-Dy, malinaw na charter ng BSP na dapat munang umabot sa P200 billion ang capital nito bago nito maipunuhan sa labas ang mga dividendo.
Sa pagkaka-alam ni Herrera-Dy ay hindi pa nakakamit ngayon ng BSP ang P200 billion na kapital.
Tinukoy ni Herrera-Dy na base sa 2021 balance sheet ay nasa P136 billion pa lang ang equity ng BSP.
Binanggit din ni Herrera-Dy na sa ngayon, ang Gross International Reserves o GIR ng bansa ay mababa kumpara sa mga utang natin kaya malinaw na wala tayong excess reserves.
Kaugnay nito ay iminungkahi ni Herrera-Dy na mabuting pag-aralan munang mabuti kung magkano ang eksaktong capital ngayon ng BSP at kung maari ba itong mamuhunan sa MWF base sa itinatakda ng sarili nitong charter.