BSP: Inflation rate, bahagyang bababa sa mga susunod na taon

Bahagyang bababa na ang inflation rate sa bansa pagsapit ng susunod na taon.

Sa pag-arangkada ng pagdinig ng Senate Committee on Finance para sa P5.268 trillion 2023 national budget, humarap ang mga miyembro ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) para ilatag ang magiging direksyon ng bansa sa 2023.

Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Monetary Board member Bruce Tolentino, batay sa baseline inflation forecast ng ahensya ay mananatiling mataas ang inflation sa katapusan ng taon sa 5.4%.


Pagsapit ng 2023 ay bahagyang bababa ang inflation rate sa 4% at mababalanse na ito sa 2024 sa 3.2%.

Magkagayunman, mas mataas pa rin ang inaasahang inflation ng mga ekonomista at pribadong sektor na nasa 4.2% sa 2023 at 3.7% sa 2024.

Ito ay dahil sa ilang tinitingnan na potential risk na makakaambag sa mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Tinukoy ni Tolentino na ilan sa mga potential upside risks na ito ang pagtaas ng global non-oil prices tulad ng pagkain, gayundin ang mataas na presyo ng isda at asukal dagdag pa rito ang posibleng pagtaas ng pamasahe bunsod ng pagtaas naman ng presyo ng langis at petrolyo sa world market.

Samantala, inaasahan naman na maiibsan ang epekto ng inflation sa pagtaas ng OFW cash remittances, foreign direct investments, BPO revenues at gross international reserves ngayong taon.

Facebook Comments