
Nagpatupad ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng tapyas sa interest rate matapos ang pagpupulong ng Monetary Board ngayong araw.
Ayon kay BSP Governor Eli Remolona Jr., ibinaba ang Target Reverse Repurchase (RRP) Rate ng 25 basis points kaya nasa 4.25 percent na lamang ito.
Bukod dito, tinapyasan din ang interest rate sa overnight deposit facility na nasa 3.75 percent at sa overnight lending facility na nasa 4.75 percent.
Ibig sabihin, aasahan ang mas mababang interes sa pagpapautang ng mga bangko para sa bahay, kotse at negosyo na layong pasiglahin ang paggastos at pamumuhunan upang lumakas ang ekonomiya ng bansa.
Tiniyak naman ng BSP na kontrolado pa rin ang inflation o pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa bansa.
Sa kabila nito, inaasahan ang bahagyang pagtaas ng inflation sa susunod na taon dahil sa posibleng pagmahal ng ilang produkto.
Sa ngayon, sinabi ng BSP na mabagal ang paglago ng ekonomiya dahil sa hindi masyadong paggastos ng publiko at mga negosyo.










