BSP, nilinaw na test circulation pa lamang ang ₱1,000 polymer banknotes sa kasalukuyan

Nasa test circulation pa lamang ang pag-ikot ng ₱1,000 polymer banknotes sa kasalukuyan.

Ito ang nilinaw ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Strategic Communications and Advocacy Managing Director Tony Lambino sa isinagawang Laging Handa public press briefing nang tanungin kung mayroon bang pangangailangan na agarang papalitan ang mga lumang ₱1,000 bill sa bagong polymer notes.

Aniya, nais lamang mapatunayan ng gobyerno ang mga benepisyo na una nang iniulat ng mga bansang gumagamit na ng ganitong materyal.


Kabilang dito ang pagiging mas matibay kumpara sa perang papel, mas malinis, mas mahirap mapeke, mas mahaba ng 2-5 beses ang buhay at mas environmental friendly.

Sinabi ng opisyal na sa kasalukuyan, mula sa kabuuang bilang ng ₱1,000 bills na nasa sirkulasyon na 0.7% pa lamang ang polymer.

Asahan aniya na sa susunod na taon, maiaakyat pa ito sa 30%.

Facebook Comments