Hiniling ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magpatupad ng mahigpit na hakbang para sa higit na transparency at reliability mula sa mga e-wallet service providers.
Kasunod na rin ito ng aberya na nangyari sa mga user ng GCash kung saan marami ang nawalan ng pondo sa kanilang accounts at marami ang hindi maka-access sa kanilang GCash funds.
Umaalma si Revilla na hanggang sa oras na ito wala pa ring malinaw na paliwanag na ibinibigay ang Gcash.
Dapat aniyang malaman ng mga user kung ano talaga ang nangyari sa kanilang perang pinaghirapan at hindi sapat na naglabas lang ng statement ang GCash na basta ibabalik ang nawalang pera.
Kung hindi aniya na-hack ang mga accounts ay dapat malinaw na naipaliwanag ng e-wallet service provider ang nangyari at paano rin masisiguro na ligtas ang pera ng publiko.
Binigyang diin pa ni Revilla na ang mga korporasyon na nagtataglay ng interes ng publiko ay mayroong ‘fiduciary duty’ o dapat na pinagkakatiwalaan ng publiko na kanilang pinagsisilbihan.
Facebook Comments