Sinabi ng World Health Organization (WHO) nitong Martes, na hindi lubhang delikado ang naiulat na kaso ng bubonic plague sa China.
Nagbabala ang lungsod ng Bayannur sa Inner Mongolia nitong Linggo kasunod ng ulat na may isang pastol na tinamaan ng nasabing sakit.
Kinumpirma ng mga doktor na bubonic plague ang nasuri sa pasyente na kasalukuyang stable na umano ang kondisyon, ayon sa Xinhua news.
Itinaas sa third-level alert ang lungsod, pangalawang pinakamababa sa four-level system, na nangangahulugang ipinagbabawal ang pangangaso at pagkain ng mga hayop na maaaring panggalingan ng sakit.
“We are monitoring the outbreaks in China, we are watching that closely and in partnership with the Chinese authorities and Mongolian authorities,” saad ni Margaret Harris, tagapagsalita ng WHO.
“At the moment we are not considering it high-risk but we are watching it, monitoring it carefully,” dagdag ng opisyal.
Ang bubonic plague ang isa sa pinaka nakamamatay na pandemya sa kasaysayan — ang Black Death — na kumitil sa halos 50 milyong tao sa Asia, Africa, at Europe noong 14th Century.
Sanhi ito ng bacteria na karaniwang nagmumula sa rodents o daga at mga pulgas nito at naipapasa sa pamamagitan ng kagat.
Kabilang sa mga sintomas nito ay mataas na lagnat, pangangatog, pagkahilo, at paglaki ng kulani sa leeg, kili-kili o singit.