Manila, Philippines – Inatasan ng Korte Suprema si Associate Justice Noel Tijam na siyasatin ang records ng Judicial and Bar Council (JBC) kasunod ng quo warranto petition na isinampa ni Solicitor General Jose Calida laban kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ang trabaho ni Tijam ay pag-aralan ang kaso at bumuo ng rekomendasyon kung matatanggal sa pagkaka-Punong Mahistrado si Sereno o hindi dahil sa bigong pagsusumite ng kanyang Statement of Assets Liabilities and Networths (SALN).
Aalamin din ni Tijam kung nagsinungaling si Sereno sa JBC at kung mayroong grounds para sa Kataas-Taasang Hukuman na pagdesisyunan na walang bisa ang appointment ni Sereno simula pa sa umpisa.
Inaasahang makakapaglabas ng ruling ang Korte Suprema sa kanilang summer session sa Baguio City ngayong buwan.