Manila, Philippines – Maghahain ng resolution si Senator Antonio Trillanes IV para maimbestigahan ng senado ang kontrobersyal na british political consulting firm na Cambridge Analytica.
Ayon kay Trillanes, malinaw sa mga impormasyon na lumalabas ngayon na nakompromiso ang naganap na 2016 elections kung saan nanalo si Pangulong Rodrigo Duterte.
Hinala ni Trillanes, naging instrumento ang Cambridge Analytica para ipakalat sa social media noong panahon ng kampanya ang umano’y mga fake news na nakaimpluwensya sa mga botante para ihalal si Pangulong Duterte.
Target aniya ng gagawing pagdinig na mailantad kung ano mga ginawa ng Cambridge Analytica dito sa Pilipinas at mapigilan ang posibleng pagmanipula o pag-impluwensya muli nito sa mga susunod na eleksyon sa bansa.
Handa rin si Trillanes na magprisintang pamunuan ang sakaling pagbuo ng Subcommittee ng Committee on Electoral Reforms ni Senator De Lima para dinggin ang isyu tungkol sa Cambridge Analytica.