Manila, Philippines – Bubusisiing mabuti ng binuong Board of Inquiry ng Philippine National Police ang ginawang koordinasyon ng tropa ng 1st platoon, 805th Company ng Regional Mobile Force Batallion ng PNP sa Philippine Army bago isinagawa ang operasyon kahapon sa Sta Rita Samar.
Ito ay matapos na aminin mismo ni 8th Infantry Division Commander Major General Raul Farnacio na nakipag-ugnayan ang mga pulis sa detachment ng militar sa Sta Rita Samar tatlong araw bago ang operasyon kahapon ng mga pulis sa lugar
Pero lumalabas ayon kay Gen Farnacio na hindi naging malinaw ang naging koordinasyon.
Dahil dito ayon kay PNP Spokesperson Police Senior Supt Benigno Durana isa sa tutukang imbestigahan ng BOI ay kung sinunod ng mga pulis ang tamang proseso sa pakikipag ugnayan sa militar kapag may operasyon.
kukumpirmahin rin ng BOI ang ulat na dahil sa lumang communication equipment kaya hindi naging maayos ang koordinasyon.
Ang BOI ay pinamumunuan ni Directorate for Integrated Police Operations o DIPO Visayas Director Rolando Felix na tumungo na sa Samar kasama si PNP Chief Oscar Albayalde para simulan ang imbestigasyon.
Sa naganap na misencounter kahapon 6 na pulis ang napatay at 9 na sugatan.