Nanindigan si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Undersecretary Gerald Bantag na hindi niya pagbibigyan ang mga inmates na muling magtayo ng mga illegal structures tulad ng kubol.
Ayon kay Bantag, nakipag-ugnayan siya kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major General Guillermo Eleazar at sa iba pang ahensiya ng pamahalaan para tulungan siya na gibain ang mga kubol ng ibang inmates na tila naghahari-harian sa loob ng New Bilibid Prison.
Dagdag pa ng BuCor Chief, hindi raw siya titigil hangga’t hindi nawawala ang mga anomalya sa loob ng Bilibid kung saan ito ang unang hakbang na kanilang ginawa.
Sinabi naman ni Eleazar na handa silang tumulong sa anumang plano ni Bantag para maisaayos at mawala nang tuluyan ang mga isyu sa NBP lalo na’t sakop din ito ng kanilang mandato.
Tinatayang nasa higit 50 kubol ang winasak at kabilang sa mga nakumpiska sa loob nito ay mga videoke, generator, grocery items, aquarium, gamit sa bakery, TV, washing machine, mga patalim, pera at iba pa.