Ipinag-utos ni Olongapo Regional Trial Court (RTC) Branch Judge Roline Ginez-Jabalde sa Bureau of Corrections (BuCor) ang muling pag-compute sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) ni U.S. Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Ginawa ng korte ang utos kasunod ng inihaing Motion for Reconsideration (MR) ng kapatid ng pinaslang na transgender woman na si Jennifer Laude.
Hihintayin din muna ng husgado ang ihahaing apela ng Department of Justice (DOJ) bago magpasya rito.
Sa pitong pahinang Motion for Reconsideration ng private complainant, sinabi nito na hindi dapat palayain si Pemberton dahil wala namang patunay na may nagawa itong good conduct habang nakapiit.
Wala rin anilang katibayan na lumahok ito sa anumang rehabilitation activities na sertipikado ng time allowance supervisor at wala ring katibayan ng kinakailangang recommendation mula sa Management Screening and Evaluation Committee.
Idinagdag pa ng kampo ni Laude na self-serving ang computation na isinumite sa korte gayundin ang ibinigay ng BuCor dahil sa pawang computation lamang ito at walang material basis.
Ayon naman sa kampo ni Pemberton, sa pamamagitan ni Atty. Rowena Garcia Flores, ang mga tauhan ng BuCor na nagbantay kay Pemberton ang maaaring magpatunay ng good conduct nito habang nakakulong.