Manila, Philippines – Kakausapin umano ni Pangulong Rodigo Duterte sina Budget Secretary Benjamin Diokno at Finance Secretary Carlos Dominguez para talakayin ang problema sa proposed 2019 National budget sa Kamara.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, pag-uusapan ng tatlo ang posibleng kompromiso sa pagtutol ng mga mambabatas sa cash-based budgeting system na isinusulong ng Department of Budget and Management (DBM).
Ito naman ay matapos ang naging pulong kahapon ni Pangulong Duterte kay House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, Majority Floor Leader Rolando Andaya at Congressman Arthur Yap pero wala sa pulong si House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles.
Sinabi ni Roque na inilapit ng mga mambabatas kay Pangulong Duterte ang kanilang problema sa isinusulong na cash based system.
Nilinaw din naman ni Roque na kahit na kakausapin ng Pangulo ang dalawa nitong gabinete ay ang mga ito parin ang magdedesisyon na isang matagal na nang polisiya na ipinatutupad ng Pangulo.
Paliwanag ni Roque, ginagawa ito ng Pangulo upang matiyak na ginagawa ng kanyang gabinete ang kanilang mga trabaho.