Manila, Philippines – Nilinaw ng Department of Justice na hindi sila namimili ng kakasuhan.
Ito ang iginiit ni Justice Sec. Menardo Guevarra kaugnay sa tanong ni Gabriela Rep. Arlene Brosas kung saan tinanong nito ang naging papel ng DOJ sa pagbuhay sa kaso laban sa mga dating kongresista na sina Satur Ocampo, Rafael Mariano, Liza Maza at Teddy Casiño.
Sinabi ni Guevarra na wala nang kinalaman ang ahensya sa pagbuhay sa kaso sa apat na dating mambabatas dahil ito ay nasa hurisdiksyon na ng RTC sa Nueva Ecija.
Pinasinungalingan din ni Guevarra ang puna ni Brosas na mabilis kumilos ang DOJ kapag ang kakasuhan ay mga kalaban ng gobyerno.
Giit ni Guevarra, hindi sila namimili ng kakasuhan at agad silang umaaksyon sa reklamo kahit sino pa ang respondent dito.
Samantala, aabot naman sa P21.353 Billion ang panukalang budget ng DOJ para sa 2019 na mas mataas ng 8.5% kumpara sa P19.664 Billion na pondo nito ngayong taon.