Budget hearing ng COMELEC, ipinagpaliban ngayong araw – COMELEC nangangambang mabawasan ang budget sa susunod na taon

Manila, Philippines – Ipinagpaliban ngayong araw ang pagdinig sa budget ng Commission on Election para sa susunod na taon.

Napagkasunduan ng House Committee on Appropriations na bukas na lamang ng alas nuebe ng umaga itutuloy ang 16 Billion budget hearing ng COMELEC para makadalo na sa pagdinig so COMELEC Chairman Andres Bautista.

Si Bautista ay hindi nakadalo sa pagdinig ng kanilang budget dahil ito ay pinatawag sa meeting ng guidance counselor sa eskwelahan ng mga anak.


Bukod dito, wala ding otorisado na kakatawan kay Bautista para nagpresent sa budget at sasagot sa mga katanungan ng mga kongresista.

Nangako naman si Comelec Commissioner Rowena Guanzon na haharap silang kumpleto bukas kasama si Bautista para sa budget presentation.

Nauna dito ay nagbabala si House Committee on Appropriations Chairman Karlo Nograles na mahaharap sa consequence ang COMELEC kapag wala ang head ng ahensya.

Inamin naman ni Guanzon na natatakot sila na magalit sa kanila ang mga mambabatas kaya tiniyak na haharap sila bukas at nakiusap na huwag sanang bawasan ang kanilang pondo.

Paliwanag ni Guanzon, napakahalaga ng 2018 budget dahil ito ay paghahanda para sa 2019 midterm election.

Facebook Comments