Nagbanta ang mga senador na tatapyasan ang budget ng Commission on Elections o COMELEC sa susunod na taon.
Ito ay kung magmamatigas ang COMELEC na huwag palawigin ng isang buwan ang pagpaparehistro ng mga botante na magtatapos na sa September 30.
Paliwanag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na siyang nagsulong nito, bahagi ng check and balance na pagkaitan ng pondo ang isang ahensya kapag hindi naaayon ang desisyon nito sa interes o kapakanan ng mamamayan.
Ang banta ng mga senador ay kaakibat ng kanilang pag-apruba sa Senate Concurrent Resolution 17 na isinulong nina Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri at Francis “Kiko” Pangilinan na gumigiit sa COMELEC na palawigin hanggang Oct. 31, 2021 ang deadline ng voter registration.
Napagkasunduan din ng mga senador na magpasa ng panukalang batas na binibuo ng isang pangungusap lamang at sinasaad na palalawigin ang voter registration hanggang Oktubre.
Sa ganitong paraan, nasa pangulo na kung lalagdaan ang panukalang batas at sasang-ayon sa pagpapalawig ng voter registration.
Diin naman ni Pangilinan, magreresulta sa massive disenfranchisement kapag hindi pinalawig ng COMELEC ang voter registration dahil base sa datos ng Philippine Statistics Authority ay may 12 milyon na first voters ang maari pang magparehistro.
Sinabi naman ni Senator Grace Poe na sa pagpapalawig sa voter registration ay maipapakita ng COMELEC ang pagpapahalaga sa demokrasya.