Budget ng DILG para sa COVID-19 contact tracing, wala na sa ilalim ng 2021 budget

Lumabas sa budget deliberations ng Senado na sa ₱244 billion na budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa susunod na taon ay hindi na kasama ang pondo para sa COVID contact tracing.

Sa pamamagitan ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na siyang nagdedepensa sa budget ng DILG ay nilinaw ni Secretary Eduardo Año na tuloy pa rin ang contact tracing pero kakarguhin na ito ng Local Government Units (LGUs) kapag naubos na ang ₱5 billion budget ng ahensya para sa 50,000 mga contact tracers.

Duda naman si Senate President Pro Tempore Raph Recto na kakayanin ng mga LGUs na magpasweldo ng mga contact tracers dahil ang kanilang pondo ay nagamit na sa pagtugon sa pandemya at mga kalamidad.


Giit ni Recto, mahalagang matiyak ang pagpapatuloy ng contact tracing dahil nanatili pa rin ang COVID-19 pandemic at delikado ang second o third wave nito katulad ng nangyari sa Europe at America.

Binigyang-diin naman ng DILG na sapat ang contact tracing efforts ng pamahalaan dahil sa ngayon ay nasa 257,000 na ang contact tracers sa buong bansa na may ratio na isang contact tracer sa bawat 420 na mga Pilipino.

Facebook Comments