Iginiit ng isang kongresista na hindi sapat ang ₱2.5 billion na budget ng Department of Health (DOH) para sa pag-procure ng mga bakuna kontra sa COVID-19.
Ayon kay Marikina Second District Representative Stella Quimbo, nasa ₱12 billion ang kakailanganin ng DOH para makabili ng mga bakuna.
Napakaliit din aniya ng budget kung saan kapag nasa ₱641 ang magiging presyo ng bawat bakuna ay nasa 3.9 milyong Pilipino lamang ang mabibigyan ng libreng bakuna.
Ayon kay Quimbo, malayo ito sa nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na mabakunahan nang libre ang 20 milyong Pilipino.
Dahil dito, nasa ₱10 billion pa umano ang kinakailangang karagdagang pondo ng ahensiya.
Samantala, pinuna rin ng kongresista ang pagkabigo ng DOH na i-prayoridad ang budget sa mental health ng mga Pilipino sa gitna ng pandemya.
Napag-alaman na umaabot lamang sa ₱84 million ang hiniling ng DOH na budget para sa mental health kung saan wala pa sa ₱1 ang katumbas nito na nakalaan sa bawat isang Pilipino.