Budget ng DOT sa promosyon ng bansa sa mga turista, dapat ilipat sa bakuna

Binatikos ni Senator Imee Marcos ang Department of Tourism (DOT) sa paglaan nito ng P1.5 bilyong piso sa “branding” o iba’t-ibang uri ng pag-aanunsyo para pasikatin ang bansa sa mga turista.

Giit ni Marcos, wala sa panahon ang paggastos na ito dahil umiiwas pa rin sa COVID-19 ang karamihan ng mga turista at pati ang mga gobyerno sa buong mundo ay naghihigpit sa pagbibiyahe.

Paliwanag ni Marcos, ang Pilipinas ay nasa Red Alert infection list ng napakaraming bansa at kahit ang mga lokal na turista ay limitado ng mga alert level at lockdown sa iba’t ibang lugar.


Dahil dito ay inirekomenda ni Marcos na ilipat na lamang ang budget sa branding para sa pagbakuna ng mga daan-daang libong mga tourism workers at sa pagdaragdag ng kanilang kaalaman at kasanayan habang naghihintay sa malawakang pagbukas ng industriyang turismo.

Inihalimbawa ni Marcos ang pag-aral ng wikang banyaga, pagdiskubre ng mga bagong destinasyon at paglikha ng mga bagong paraan ng paghikayat sa mga turista.

Dagdag ni Marcos, dapat din pag-isipang mabuti ng DOT ang plano nitong magpunong-abala sa World Travel and Tourism Council Global Summit sa Marso 2022 habang hindi pa nakakamit ng bansa ang “herd immunity.”

Facebook Comments