Budget ng NTF-ELCAC sa 2023, kinuwestyon sa Senado

Kinwestyon sa 2023 budget hearing ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Sa 2023, umangat sa P10 billion ang pondo ng NTF-ELCAC mula sa P5.624 billion ngayong taon kung saan 77.81% ang iniangat sa nasabing pondo.

Tinukoy ni Senator Nancy Binay na sa taong 2021, mayroong P16 billion na nai-release na pondo para sa NTF-ELCAC kung saan sa halagang ito, P2.9 billion ang ongoing ang mga proyekto at P3.2 billion ang nakumpleto na.


Puna ni Binay, mayroon pang 50% sa P16 billion 2021 budget ang ‘in limbo’ o nakabitin pa at hindi pa mabatid kung saan gagamitin.

Iginiit ni Binay na batid niya na may pagtaas sa budget ng NTF-ELCAC bunsod na rin ng support to barangay development projects ng ahensya pero paano mapapangatwiranan ng ahensya ang dagdag na pondo kung wala itong maipakita na detalye kung saang mga proyekto ginastos ang pondo.

Paliwanag naman ni Budget Department Usec. Tina Rose Marie Canda na ang dagdag na budget sa 2023 ay para sa mga development projects sa mga barangay na na-clear na mula sa mga rebelde.

Inamin din ni Canda na natutukoy lang ang mga proyekto sa mga barangay kapag nasa ‘implementation phase’ na.

Sinita naman ni Finance Chairman Senator Sonny Angara na hindi ba ‘pork barrel’ ito dahil hindi naka-itemized o identifed ang mga proyekto.

Paliwanag naman ni Canda, binigyan nila ng laya ang NTF-ELCAC na tukuyin ang mga proyekto na gagawin sa bawat lugar pero ipinauubaya nila sa komite kung dapat bang dagdagan o bawasan ang pondo.

Facebook Comments