Budget ng OVP, mabilis na nakalusot sa Senate Committee on Finance

Inaprubahan agad sa Senate Committee on Finance ang ₱2.3 billion na panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) sa taong 2023.

Humarap sa pagdinig si Vice President Sara Duterte na mainit namang tinanggap ng Senado sa pangunguna ni Senate President Juan Miguel Zubiri.

Sa pagsisimula pa lamang ng budget hearing ng OVP ay hiniling ni Zubiri sa mga kapwa senador na bilang ‘courtesy’ sa ikalawang pangulo ay aprubahan na agad ang kanilang pondo.


Sinuportahan naman ito ni Senate Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara at sinabing tradisyon nang mabilis na ipinapasa ang pondo ng OVP bilang respeto sa tanggapan at ito ay ibinibigay rin kahit sa mga dating vice president ng bansa.

Sa mga senador, tanging si Senate Minority Leader Koko Pimentel lang ang nagtanong.

Ipinaliwanag muli ni VP Duterte na mula 2003 hanggang 2012 ay nagkaroon ng magkakaibang halaga ng confidential at intelligence fund ang OVP at ipinauubaya sa mga senador ang desisyon sa alokasyon dito na ₱500 million.

Kabilang din sa kanilang proyekto ang pagtukoy ng permanenteng tahanan para sa vice president na may ₱10 million pondo.

Facebook Comments