Budget para sa COVID-19 booster shots sa 2022, ipinalilipat na pambili na lamang ng COVID-19 drugs

Inirekomenda ni Appropriations Vice Chairman Joey Salceda na ilipat sa gamot laban sa COVID-19 ang pondo ng COVID-19 booster shots sa ilalim ng 2022 national budget.

Batay sa mungkahi ni Salceda, ipinare-reallocate niya ang P45 billion na pondo para sa COVID-19 booster shots sa procurement ng COVID-19 drugs.

Matatandaang ang COVID-19 antibiotic na Molnupiravir na pinaniniwalaang epektibo laban sa COVID-19 ay nabigyan ng Food and Drug Administration (FDA) ng Compassionate Special Permit (CSP).


Ayon kay Salceda, batid niyang ang bakuna ang susi sa pagkamit para makabalik sa normal pero mahalaga rin ang pagkakaroon ng gamot na agad na makapagpapagaling sa mga mai-impeksyon.

Sa ganitong paraan ay hindi lamang makokontrol ang COVID-19 kundi hindi na rin ito katatakutan ng mga tao.

Malaki aniya ang pag-asang makabalik sa dating normal ang lahat dahil hindi na kakailanganing pumunta ng ospital kapag nagkasakit ng COVID-19 kundi bibili na lamang ng gamot sa botika at para na lamang itong seasonal flu.

Bunsod na rin ng paglabas ng Merck ng Molnupiravir na matagumpay na nasubukan sa mga COVID-19 high risk patients ay dumami na ang mga bansang bibili ng gamot.

Umapela si Salceda sa Inter-Agency Task Force (IATF) na makipag-ugnayan na sa lalong madaling panahon sa mga manufacturer ng antiviral medicine upang makakuha agad ng suplay ang bansa.

Facebook Comments