Bukas ang Kamara sa nais ng mga Economic Managers na taasan ang alokasyon sa infrastructure at human capital investment sa 2020.
Dahil dito, tiniyak ni Leyte Rep. Martin Romualdez na makakakuha ng malaking alokasyon sa 2020 budget ang public infrastructure at human development para maisakatuparan ang nais ng gobyerno na pag-angat ng economic growth at pagbaba ng kahirapan sa bansa.
Naniniwala din ang mambabatas na ito ang susi para makahikayat ng foreign direct investments sa bansa tungo sa maayos na paghahatid ng “world-class” na serbisyo at mga ipino-produce na produkto.
Inaasahan din ang dagdag na alokasyon para sa human capital tulad sa edukasyon, kalusugan, at social protection gayundin ang funding requirements para sa pagtutuloy ng mga infrastructure projects sa ilalim ng Build, Build, Build program.
Sa ilalim ng 2019 National Expenditure Program, ang infrastructure at human development ay kabilang sa top recipients na may P1.215 Trillion na pondo o 33.3% ng kabuuang P3.757 Trillion 2019 budget.