Budget para sa repatriation ng OFWs, malapit ng masaid

Mula sa ₱1 billion na taunang budget ay halos ₱20 million na lang ang natitira sa pondo ng Department of Foreign Affairs (DFA) para sa repatriation ng Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sinabi ito ni DFA Secretary Teddy Locsin sa pagtalakay ng Senado sa proposed 2021 budget ng ahensya na nagkakahalaga ng ₱21.96 billion.

Ayon kay Locsin, nasa 177,000 pang OFWs ang nakatakdang i-repatriate at kasama rito ang 47,000 na mga nawalan ng trabaho sa Saudi Arabia.


Sabi naman ni DFA Undersecretary Sarah Arriola, hinihintay pa nila ang ₱820 million na augmentation fund mula sa Bayanhian 2 para makakuha ng chartered flights.

Binanggit ni Arriola na bukod sa pamasahe ng OFWs ay kasamang sinasagot ng DFA ang sinisingil ng mga employers sa OFWs katulad ng deployment cost para sila ay mapauwi.

Sa datos ng DFA, mula ng magkaroon ng pandemya ay nasa 208,000 na OFWs na ang napauwi ng gobyerno sa bansa sa pamamagitan ng 57 chartered flights.

Facebook Comments