Isusulong muli ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ang Budget Reform Act na may layuning gawing epektibo, transparent at accountable ang paggastos ng gobyerno sa budget.
Tiniyak ni Salceda na sa pagpasok ng 19th Congress ay irerekomenda niya sa finance secretary at sa budget chief ang mas pinagandang reporma sa budget.
Aniya pa, crucial o napakahalaga ng reporma dahil kung hindi naman magpapataw ng mga panibagong buwis ay kailangang maging episyente ang tax collection habang ang paggastos ay kailangang may ‘multiplier effect’ para mapalakas ang productivity.
Sa ihahaing panukala ay tiniyak ni Salceda na pananatilihin dito ang mga maaayos na kasanayan na ginagawa na ng budget department sa ilalim ng Duterte administration.
Ilan sa mga nakasaad sa panukalang itutulak ay ang paglipat sa obligation-based budgeting sa annual cash-based budgeting; pagpapatupad ng one-fund concept kung saan ang perang matatanggap ng national government ay idaragdag sa general fund at ire-remit sa national treasury; at ang special funds ay lilimitahan lamang sa trust fund, revolving at retained funds.
Ang Special Purpose Fund ay lilimitahan naman sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund, Contingent Fund, at Statutory Shares ng mga local government units (LGUs).
Ang ‘savings’ sa budget ay maidedeklara lamang kapag nakumpleto ang proyekto at natigil ang pagpopondo o inabandona ang isang aktibidad o proyekto.
Pinag-aaralan na rin ng mambabatas na idagdag sa budget reform ang probisyon sa pagtatakda ng parameters para sa ‘quality’ ng paggastos partikular sa mga proyektong pang-imprastraktura.