Madadagdagan pa ng ₱8 bilyong piso ang pondo para sa modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ayon kay Deputy Speaker Johnny Pimentel, sa ilalim ng panukalang ₱4.5 trillion na pambansang pondo sa 2021 ay tinaasan sa ₱33 Billion ang budget para sa AFP modernization kumpara sa mga nakalipas na ₱25 Billion na taunang alokasyon para dito.
Tinitiyak ni Pimentel na sinusuportahan ng Kamara ang dagdag na pondo upang tuloy-tuloy ang funding support sa modernisasyon ng hukbong sandatahan sa kabila ng COVID-19 pandemic.
Tinukoy pa ng kongresista na ngayong taon ay ibinigay ng Department of National Defense (DND) sa National Treasury ang ₱9.4 billion na ‘unobligated funds’ sa ilalim ng ₱25 billion na modernization fund upang magamit ng pamahalaan sa pagtugon sa pandemya.
Ang latest acquisition sa ilalim ng AFP modernization program ay ang dalawang guided-missile warships na BRP Jose Rizal at BRP Antonio Luna ng Philippine Navy na aabot sa ₱16 billion.
Plano rin ng Navy na kumuha ng dalawang mas malalaking warships na aaabot sa ₱30 billion.
Dagdag pa sa modernisasyon ang nilagdaan na kontrata ng Air Force at ng Mitsubishi Electric Corp. ng Japan para sa ₱5.5 billion na Air Surveillance Radar System (ASRS).