Sapat ang buffer stocks o nakaimbak na bigas ng National Food Authority (NFA) sa kabila ng matinding tagtuyot sa sektor ng agrikultura partikular na sa mga sakahan sa bansa.
Sa panayam ng RMN Manila kay NFA officer-in-charge administrator Larry Lacson, tiniyak nito na may maipamimigay na bigas ang ahensya kung sakaling tamaan ng kalamidad ang buong bansa.
Dagdag pa ni Lacson, mas hihigitan pa ng Department of Agriculture (DA) ang produksyon ng bigas ngayon taon upang maging sapat ang supply ng bigas sa pagdating ng bagyo sa mga susunod na buwan.
Samantala, nilinaw rin ni Lacson na walang kapangyarihan ang NFA na maglabas ng mas murang presyo ng bigas sa merkado dahil ang tanging function nila ay mag-imbak ng mga bigas para may maipamigay sa mga Pilipino sa panahon ng kalamidad.