Buhangin, Graba na Makukuha sa Cagayan River, Ibebenta sa Ibang Bansa

Cauayan City, Isabela- Inihayag ni Governor Manuel Mamba na ibebenta sa ibang bansa ang mga makukuhang buhangin, lupa at graba sa mula sa gagawing pag-draga sa Ilog Cagayan.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Cagayan Governor Manuel Mamba, sakaling mabigyan na ng ‘go signal’ ang mga napiling dredgers o mag-draga sa Ilog Cagayan ay agad na itong sisimulan sa susunod na buwan.

Kasunod ito ng paglagda ng DENR at provincial Government ng Cagayan kasama ang mga napiling operators sa isang Memorandum of Agreement (MOA) kahapon.


Una rito, kinakailangan munang palalimin ng mga dredgers ang bukana ng Ilog Cagayan dahil napakababaw na aniya nito kung saan nasa 2 metro na lamang ang lalim ng bukana ng ilog mula sa dating 15 metrong lalim.

Ayon pa kay Gov Mamba, walang gagastusin ang gobyerno sa gagawing dredging activity sa Ilog Cagayan subalit ibebenta sa ibang lugar ang mga makukuhang buhangin, graba at lupa.

Ang sampung porsyento aniya sa mapagbebentahan ay mapupunta sa pamahalaang panlalawigan ng Cagayan.

Matatandaan na kabilang sa rehiyon dos ang lalawigan ng Cagayan na sinalanta ng matinding pagbaha na dulot ng nagdaang typhoon Ulysses.

Facebook Comments