“Doing good”. Ito ang pagsasalarawan ni Dr Glenn Baggao sa pasyenteng nagpositibo sa COVID 19 sa Lungsod ng Tuguegarao.
Ito ay matapos na magkalat ang mga fake news na ang kauna unahang pasyente ng COVID 19 sa Cagayan Valley ay namatay habang naka ospital sa Cagayan Valley Medical Center o CVMC.
Ang unang kaso ng COVID 19 sa rehiyon ay isang lalaking edad 44 na kasapi ng BFP na nakadestino sa Sta Mesa, Manila. Ito ay nakarating sa Lungsod ng Tuguegarao noong Marso 11, 2020 at ito ay binigyan ng bansag na patient PH275.
Ito ay umalis ng Maynila patungong Tuguegarao sakay ng isang Florida Bus noong Marso 10, 2020 at isang oras pagkatapos makarating sa kanyang bahay sa Caritan Norte, Tuguegarao City ay nagkaroon ng kahirapang huminga na agad dinala sa Divine Mercy Wellness Center kung saan ay iniindorso ito sa CVMC. Una siyang napabilang sa mga Patient Under Investigation(PUI) at naging positibo ito sa COVID-19 ayon sa pagsusuri ng DOH sa Research Institute on Tropical Medicine sa Maynila.
Humarap sa media sina OIC DOH Director Leticia Cabrera, CVMC Director Dr Glenn Baggao at Tuguegarao City Health Officer Dr James Guzman matapos silang bigyan ng pahintulot ng DOH Central Office na kumpirmahin ang kaso. Sa naturang press conference ay kanilang nilinaw ang mga ibat ibang mga bersiyon ng mga maling balita kaugnay sa unang COVID-19 case sa Rehiyon.
Ipinaliwanag ni Dr Baggao na ang pasyente ay may iba pang issue sa kanyang kalusugan gaya ng altapresyon pero ito ay buhay na buhay at nasa “maayos” na kalagayan.
Isinailalim na rin sa obserbasyon ang kapamilya at sa mga ibang nakahalubilo nito. Kasalukuyan namang ginagawa ang contact tracing sa mga nakasabayan niya sa bus pag-uwi ng Tuguegarao noong Marso 10, 2020. Umapela ang mga opisyal ng DOH Region 2 ng kahinahunan at pagtangkilik sa itinakdang panuntunan o protocol para sa pagpapadaloy ng mga impormasyong may kaugnayan sa COVID 19.