
Cauayan City – Arestado ang magkasintahang umano’y sangkot sa ilegal na droga matapos ang buy-bust operation ng Provincial Intelligence Unit ng Cagayan Police Provincial Office noong ika-20 ng Pebrero, sa Barangay Estefania, Amulung, Cagayan.
Kinilala ang mga nadakip sa alyas na “Ynna,” 25 anyos, property manager, at “Regieboy,” 29 anyos, na itinuturing na High Value Individual ng pulisya at ng Philippine Drug Enforcement Agency na kapwa residente ng Tuguegarao City ang dalawa.
Ayon sa ulat, naganap ang bentahan ng ilegal na droga sa kahabaan ng National Road sa Barangay Carig Norte, Tuguegarao City. Matapos ang transaksyon ay tumakas ang mga suspek sakay ng puting Hyundai Accent, ngunit agad silang hinabol ng mga operatiba hanggang sa maaresto sa National Highway sa Barangay Estefania, Amulung.
Nasamsam sa operasyon ang tinatayang 50 grams ng hinihinalang shabu at limang grams ng cocaine na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P366,500.
Narekober din ang isang replica ng HK-417 airsoft rifle na may magasin, tatlong android phones, at ang sasakyang ginamit sa pagtakas.
Napag-alaman din na si alyas “Regieboy” ay apat na beses nang nakulong kaugnay sa kaparehong kaso ng ilegal na droga.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Tuguegarao City Police Station ang mga suspek at nakahanda nang sampahan ng kaso sa paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










