Isinusulong ni Senator Ramon “Bong” Revilla ang “Build, Build, Build” para sa pagtatayo ng maraming health facilities sa bansa.
Sa Senate Bill No. 26 o ang “Kaayusan sa Adhikaing Pagamutan Act” na inihain ni Revilla ang panukala ay katulad sa Build, Build, Build na flagship program ng dating administrasyong Duterte pero ang panukala ay nakasentro naman sa pagpapabilis ng implementasyon ng Philippine Health Facility Development Plan (PHFDP).
Layunin dito na matugunan ang kakulangan sa health care facilities sa bansa tulad ng mga ospital, polyclinics, referral laboratories, birthing centers, at iba pang health facilities.
Nakasaad sa panukala na maisakatuparan ang pagpapahusay sa mga health care facilities sa pamamagitan ng pagmomodernisa at pagpapalawak sa mga dati pang pasilidad, pagsasaayos at pagrenovate sa mga nasirang imprastraktura at pagtatayo ng mga bagong ospital at iba pang pasilidad.
Iginiit ng senador na kailangan ang mas maraming health facilities upang maihanda ang bansa sakaling magkaroon muli ng panibagong bugso ng mga sakit lalo pa’t nasa panahon pa rin tayo ng pandemya.