BUKAS | LTFRB, binuksan na ang aplikasyon sa special permit ngayong Christmas season

Manila, Philippies – Simula Nobyembre 19 hanggang 29 magsisimula nang tumanggap ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng aplikasyon para sa special permit ngayong Christmas season.

Ayon kay LTFRB Chairman Martin Delgra, lahat ng Public Utility Vehicle (PUV) operators na interesado na bumiyahe ng labas sa kanilang ruta ay maaari nang maghain ng kanilang petition at makakuha ng permit.

Sinabi ni Delgra na 25 porsiyento lamang ng kabuuang authorized units kada prangkisa ang papayagan.


Lahat ng units na i-a-apply ay dapat hindi hihigit sa sampung taong gulang mula sa panahong ilabas ito sa manufacturing firm.

Nilinaw pa ng LTFRB na ang mga operator na may certificate of public convenience na iisa lang ang unit ay hindi bibigyan ng special permit.

Dapat ding tukuyin ng mga operators sa kanilang petisyon ang kanilang terminal at ruta ng destinasyon.

Magkakabisa ang biyahe ng mga bus na may special permit simula Disyembre 23 hanggang Enero 3 ng susunod na taon.

Facebook Comments