Isabela – Bukas na sa publiko ang panibagong consular office ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Northern Luzon.
Nuong Miyerkules, May 15 pinasinayaan ang bagong tanggapan ng ahensya partikular sa Santiago, Isabela.
Ito ay bilang bahagi parin ng hakbang ng pamahalaan na mapalapit ang passport at consular services sa sambayanang Filipino.
Dinaluhan ang inauguration ni Executive Director Angelica Escalona ng DFA Office of Consular Affairs at iba pang mga opisyal ng ahensya.
Matatandaang nito lamang May 8 binuksan ang consular office sa San Nicolas, Ilocos Norte.
Isa sa mga nakikitang rason ng ahensya sa pagtaas ng passport demand ay ang pagpapalawig ng 10 taon ng validity period nito.
Dahil dito asahan pa na magbubukas ng karagdagang DFA consular offices ang ahensya sa iba pang panig ng bansa.