Manila, Philippines – Sabay na maghahapunan bukas ng gabi ang 217 dating miyembro ng New People’s Army (NPA) at si Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacanang.
Ayon kay AFP Eastern Mindanao Command Spokesperson Major Ezra Balagtey mula sa Davao Oriental at Compostella Valley, ibinyahe ang 217 na mga dating rebelde dito sa Maynila.
Aniya ang hakbang nilang ito ay para mahikayat ang mga miyembro pa rin ng NPA na sumuko na.
Bukas naman may educational tour sa Malacanang Palace ang mga dating rebelde.
Dadalhin din ang mga ito sa taniman ng mushroom o kabute sa Bulacan para mabigyan sila ng kaalaman at makadadag sa kanilang pagkakakitaan sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
Ang 217 na mga dating NPA members ay kabilang sa 683 na una nang sumuko sa pamahalaan na iprinisenta sa Eastern Mindanao Command sa Davao City.