Para masulit ang weekends at makapiling nang husto ang mga pamilya, iminungkahi ni House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman na alisan din ng mga homework ang mga guro.
Ang mungkahi ng kongresista ay kasunod ng isinusulong sa Kamara na “no homework policy” sa mga estudyante.
Naniniwala si Hataman na hindi lamang magaaral kundi pati mga guro ay tanggalan din ng take home reports o mga clerical works.
Paliwanag niya, marami nang inuuwing trabaho sa bahay ang mga guro na dapat isulat at isumite bukod pa sa pagkayod sa paaralan.
Hinikayat naman nito ang Department of Education (DepEd) na solusyunan na ang isyu sa workload ng mga guro sa pamamagitan ng pagbabawas ng reports o pagdadagdag ng tauhan para gawin ang trabaho.
Paglilinaw naman ni Hataman, walang masama sa paggawa ng reports upang ma-monitor ang performance ng isang guro basta’t hindi ito mawawalan ng oras sa pamilya lalo na tuwing Sabado at Linggo.