Bulkang Mayon, nakapagtala ng mahigit 200 rockfall event sa loob ng 24 oras

Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng 206 rockfall events sa nagpapatuloy na aktibidad ng Bulkang Mayon na kasalukuyang nakataas sa Alert Level 3.

Batay ang nakuhang datos sa 24 oras na monitoring ng ahensiya simula alas-12 ng hatinggabi ng January 12 hanggang 12:00 AM ngayong araw, January 13.

Bukod sa rockfall event, naitala rin ng PHIVOLCS ang pagbuga ng lava dome at lava flow pati na rin ang 63 pyroclastic density current o uson.

Nasa 526 na tonelada ng sulfur dioxide o asupre ang ibinuga ng bulkan habang umabot sa 1,000 meters naman ang plume nito na napapadpad sa Kanluran-Timog-Kanluran at Timog-Kanluran.

Ipinagbabawal pa rin ang pagpasok sa 6-kilometer radius permanent danger zone at pagpasok ng walang pag-iingat sa extended danger zone.

Bawal din ang pagpapalipad ng sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.

Facebook Comments