Bulkang Taal, ibinaba na sa alert level 3

Ibinaba na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa alert level 3 ang alerto ng Bulkang Taal.

Kasunod ito ng ipinakitang downtrend activities ng bulkan sa nakalipas na dalawang linggo.

Sa datos ng Taal Volcano Network, mula 944, bumaba sa 420 ang naitalang volcanic earthquakes kada araw noong January 17 hanggang 24.


Tumigil din sa paggalaw ang magma.

Pero ayon kay PHIVOLCS Dir. Renato Solidum, nananatili ang banta ng pagsabog bagama’t mababa na ang tiyansa nito.

At kung magtutuloy-tuloy aniya ang “decreasing unrest” ng bulkan, maaari pa itong bumaba sa alert level 2.

Ibinaba na rin sa 7-kilometer ang danger zone mula sa dating 14-kilometer.

Dahil dito, sinabi ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas na pwede nang makabalik sa kanilang mga bahay at trabaho ang mga residente mula sa mga bayan na isinailalim sa lockdown maliban sa Agoncillo at Laurel.

Habang patuloy na ipatutupad ang permanent lockdown sa volcano island.

Facebook Comments